Miyerkules, Hunyo 29, 2011

Byahe.Musika.Atbp,

Tanghaling gumising dahil wala ang guro sa unang klase. Parang nakakatamad pa ring pumasok kahit halos dalawang linggo na akong pumapasok. Para bang wala pa ring amor sa akin ang hitsura ng mga estudyante, guro at kahit ang mismong unibersidad ba pinapasukan ko. Ayaw ko na dito. Nakakasawa na kung tutuusin. Kailangan kong bumiyahe. Malayo. Doon sa masaya. Doon sa lugar na makakapaglakbay ako at makakakita ng bago. Doon sa Laguna.

Pagkatapos ng isang klase ay bumiyahe na agad ako patungong Laguna.

Sa dyip.

Buti na lamang at maganda ang panahon. Hindi masyadong mainit, di rin naman masyadong malamig. Masarap bumiyahe sa dyip. Sumakay ako. Nagbayad. Nag-soundtrip. Tamang pang romantikong banat ang narinig ko sa radyo ng dyip na sinasakyan ko. Tila ba habang umaandar ito ay para akong bida sa isang "music video". "Magdadrayb ako hanggang Bicol..." Ayaw ko ng bumaba pero kailangan.
photo courtesy from eraserheadsexperience.blogspot.com
Sa bus.

Napakaswerte ko dahil libre ako sa bus. Inspektor kasi ang pinsan ko dun. Swerte. Nakakabagot sa bus. Estranghero lahat maliban sa pinsan ko na may pinagkakaabalahan. Mabuti na lang at may telebisyon sa harapan. Nakakatuwa. Kadalasan ay mga pelikula ni FPJ at Robin Padilla napapabuod ko ngunit ngayon ay puro mga music video ng mga lumang klasikong kanta ng mga banyaga. Marahil ay nasa 1950's o 60's pa ang mga kantang iyon. Swabeng-swabe sa lamig ng boses na parang si Frank Sinatra lang. Natutuwa ang matandang katabi ko. Kausap nya sa telepono ang kung sinong kaibigan niya malamang. Hinahangaan daw nya talaga yung taong kumakanta. Bumaba ako ng bus. Lakad.
photo courtesy from www.doctormacro.com
Sa dyip ulit.

Wala akong barya kaya pumasok muna sa 7 Eleven. Malamog at masarap. Bumili ako ng inumin. Umupo sa gilid at nagbilang ng sukli. Napatingin sa gilid at nakita ko ang "song hits" at nasa pabalat nito ang mga paborito kong bokalista, si Reg Rubio ng Greyhoundz, si Ian Tayao ng Queso/ Wilabaliw, si Jamir Garcia ng Slapshock at yung isa (pero hindi ko sya gusto).
photo courtesy from facebook.com/bandsmagazine
Bumaba na ako ng dyip at may iba na muling paglalakbay. Napaka saglit ngunit punong-puno ng iba't ibang musika ang aking araw. Iba't ibang gusto ng tao ngunit isa lang ang pinapatunayan nito, ang MUSIKA ay parte ng ating buhay at hindi lilipas ang isang araw ng wala kang maririnig na musika.


-supervillain/firebreather-

1 komento: