Kailan ba nagiging abnormal ang isang tao? Kapag ba ibang-iba ka na sa mga tao sa paligid mo? Kapag ba kabaligtaran ng naiisip mo ang naiisip ng karamihan? O kapag nararanasan mo ang mga kakaibang bagay na hindi lahat nakakaranas?
Madalas kong maisip na abnormal ako.
Tuwing gabi, madalas kong isipin ang mga bagay na nangyari sa akin sa buong araw. Napaka normal pero laging mayroong kakaiba, mga pangyayaring hindi pangkaraniwan at madalas ay nakakapagtaka. At sa sobrang nakakapagtaka ay halos nakakatakot na ito kung tutuusin.
Naniniwala ka ba sa multo? Ako? Oo.
Nuong bata pa ako mahilig akong making sa mga matatanda sa amin kapag nag-uusap sila tungkol sa mga multo at aswang. Ako naman itong batang mahilig sumabat sa usapan kaya napapagalitan. Gustong-gusto ko noong makakita ng kahit isang multo man lang tapos masaya na ako. Akala ko magiging masaya nga ako kapag nakakita ako ng isa pero hindi pala, natakot talaga ako. Nasa loob ako ng aming banyo noon, hindi ko na maalala kung ano ang ginagawa ko noon basta nasa banyo ako. Siguro ay nasa bandang alas-seis iyon ng hapon at medyo may kadiliman na rina ng paligid. Takot ako noon na isarado ang pinto dahil mahirap itong buksan
kaya iniiwan ko itong bukas. Tanging ang ilaw lamang ng salas naming ang buhay kaya naman medyo madilim pa rin. Nag-mumuni-muni ako noon nang bigla akong napatingin sa harap ko. Kinilabutan ako nang makita kong may parang dumaang pares na paa na may telang puti. Hindi ko alam ang gagawin kaya naman tinawag ko ang ate ko ngunit hindi sya sumasagot. Naglalaro pala sa labas. Hindi ko noon alam kung paano ako lalabas dahil baka nasa pinto lang yung nakita ko. Halos isang oras din akong hindi umalis sa banyo. Iyon ang unang beses na nagkita ako ng multo. Mula noon natakot na talaga ako.
Akala ko ay iyon na ang una at huli kong makakakita noon pero hindi pala. Naulit pa ito ng madaming beses sa iba’t ibang lugar pa. Natatakot pa rin ako pero habang tumatagal ay parang nawawala na rin ang takot ko. Marahil ay nasanay na rin. Madalas ay sa kapag nasa paaralan ako duon ako nagkikita o nakakaramdam ng kakaibang bagay. Nang tumuntong ako ng hayskul, mas madami pa akong naranasang kakaiba.
Noong unang taon ko sa hayskul, ugali ko nang pumasok ng maaga. Madalas ay isa ako sa mga unang taong dumadating sa iskul bukod sa mga nagtitinda sa kantina. Lagi akong dumadaan sa hagdan sa gilid ng gusali. Katabi ng gusali naming ay ang kwarto ng tagabantay ng iskul, si Tito Tony, kaya naman lagi ko siyang nakakabatian. Nang minsang dumaan ako doon ay nakita ko ulit si Tito Tony ngunit nakakapagtaka kasi puting-puti ang suot nya. Karaniwan niyang suot ay patong-patong na kulay brown na damit. Hindi ko na lang pinansin at naglakad na ako. Laking gulat ko nang makita ko si Tito Tony na nasa kabilang silid namin at nag-aayos ng mga kable ng electric fan at naka itim syang damit. Naakot ako dahil sigurado naman akong siya yung nakita ko. Ngumiti pa nga ako sa kanya at ngumiti din sya sa akin. Pero hindi pala si Tito Tony yun. Sino kaya sya?
Parehong taon, may namatay na isang estudyante sa paaralan naming. Kilala ko sya dahil madalas ko syang makita sa hagdan sa gilid ng gusali namin. Madalas din kasi ako doon. Siya si JE. Medyo nalugkot din ako sa pagkamatay nya. Dati ay tuwing umaga makikita ko syang dali-daling umaakyat pataas sa ikalawang palapag para humabol sa flag ceremony. Alam ko ang kulay ng Dickies nyang bag. May pula, itim at dilaw. Nung umagang nabalitaan namin na patay na siya ay nagulat ako dahil nakita ko syang tumatakbo ulit patungo sa silid nila. Sigurado akong sya iyon dahil kilala ko talaga ang hitsura nya. Kinilabutan ako at naiyak dahil nagpakita sya sa akin. Inikwento ko ito sa mga kaklase ko at maging sila ay natakot. Mula nung araw na iyon ay halos ayaw ko nang sumama sa flag ceremony namin.
Nang tumuntong ako sa ikatlong taon ng sekondarya, nakaranas ulit akong magkita ng kakaiba. Sumali ako sa isang training noon. Isa akong kadete, parang military. May hawak kaming ripple at parang mga sundalo. Dapat kaming pumasok ng maaga dahil kami ang naglilinis ng paligid at naghahanda ng lahat. Nag-uunahan kami ng aking mga kasama sa pagpunta sa iskul. Madalas naman akong mauna. Madaling araw pa lamang ay nanduon na ako dahil sa kagustuhan kong mauna. At tuwing nauuna ako, madalas ay nakikita ko ang isang lalaking estudyante na nakatayo sa gilid ng estatwa ng birhen sa loob ng iskul. Kita ko ang polong puti niya. Kung hindi naman yung lalaki ay babaeng nakaputi ang aking nakikita. Madalas syang naglalakad sa ikalawang palapag ng gusali na para bang namamasyal lamang. Tuwing makikita ko sila ay pumipikit na lamang ako at kumakanta kahit wala akong maisip kantahin. Madalas kong gawin iyon pero itinigil ko iyon nang maranasan kong sabayan akong kumanta ng kung sinong hindi ko nakikita. Kumakanta ako noon ng kanta mula sa “Moulin Rouge”. Humihimig lang ako nang napansin ko na parang may naririnig na rin akong sumasabay sa akin. Nagmula ang tunog sa loob ng iskul. Natakot ako at tumigil. Tumigil din yung tunog. Buti na lang at isang taon ko lamang kailangang pumasok ng ganoon kaaga dahil hindi ko na talaga kaya kung sakaling may kasunod pa.
Napakarami pang sumunod at hindi ko na ata maiikwento lahat iyon. Basta ang alam ko ay totoo ang mga multo at mga espirito sa ating paligid. Hindi nga lang talaga lahat nakakaramdam at nakakakita. Pakiramdam ko ang malas ko dahil isa ako sa mga nakakaramdam kahit ayaw ko talaga.
Hindi lang iyan ang kakaiba kong karanasan.
Naranasan niyo na bang nahulaan ang hinaharap o maisip ang susunod na mangyayari nang hindi inaasahan? Ako, oo.
Hindi ko alam kung ano ang tawag sa nararanasan ko pero gusto ko ito. Ito yung parang naisip ko lang saglit tapos nangyayari agad. Parang pakiramdam ko ay isa akong manghuhula. Una ko itong naranasan nang tumuntong ako sa kolehiyo.
Unang beses ko naranasan ito nung minsan na pauwi ako ng bahay galing sa iskul. Sumakay ako ng dyip at naghintay na mapuno. Karaniwan na ito sa akin dahil araw-arwa ko naman itong ginagawa. Umandar ang dyip at nagsimulang tumakbo ang aking imahinasyon. Nakakabagot talaga ang byahe tuwing hapon. Mayroon akong katabing isang babae tapos isang lalaking naka-corporate na damit. Mukha syang nagtatrabaho sa isang opisina. Bigla na lang sinabi ng isip ko,”Biglang papara itong lalaking ito dahil mayroon siyang nakalimutan. Bababa sya kahit nakabayad na siya at medyo may kalayuan na ang aming narating.” Makalipas ang ilang saglit, bigla nga itong pumara at nagsabing may nakalimutan sya at kailangan na nyang bumaba kahit pa kaaalis lamang ng dyip. Nagulat ako sa aking narinig dahil iyon mismo ang mga baga na naisip ko. Di ko alam ang magiging reaksyon dahil parang kinabahan ako na medyo natuwa. Ano bang nangyari? Bakit nagkatotoo?
Naulit ito nang maaksidente ang aking tito. Malaki ang galit n gaming pamilya sa kanya kaya naman maging ako ay halos isumpa na sya sa kailaliman ng mundo. Nung araw na iyon, bigla naming napag-usapan an gaming tito. Nanggagalaiti ako sag alit kaya naman nakapagbitaw ako ng mg di magandang bagay sa kanya. Sabi ko pa noon, “Hayaan nyo. Madidisgrasya siya ngayon. Baka nga mabangga pa truck nila.” Normal na sa amin ang ganuong usapan kapag ang tungkol sa tito ko kaya naman hindi na nila pinansin iyong mga sinabi ko. Kinabukasan nagulat kaming lahat nang mabalitaan naming na naaksidente ang truck na minamaneho ng tito ko sa may Cavite at kasalukuyang nasa ospital siya. Pinagtinginan ako nina ate noon kasi nagkatotoo ang aking sinabi. Masama man pero natuwa ako sa nangyari. Karma nya iyon marahil.
Madami pang nangyari pero ang pinakahuli ay nung kami ay mag-swimming sa Lobo noong bakasyon. Wala kaming dalang sasakyan kaya naman bumiyahe na lamang kami. Nung kami ay pauwi na, sa terminal ng dyip, hindi kami pasakayin ng drayber dahil daw malapit lamang an gaming bababaan. Nakakainis dahil gustong-gusto na naming umuwi. Siyam kami kaya daw luging-lugi siya sa bayad. Ang sama na ng pakiramdam naming dahil napakainit. Umupo kami at tinabihan ako ng aking kaklase. Sinabi ko sa kanya na galit na galit na ako sa drayber. Maging sila naman ay galit din. Bigla ko na lang nasambit , “Makikita nyo, maaaksidente ang dyip na iyan. Kung hindi man ay masisiraan sila sa daan.” Umalis ang dyip at mabuti na lamang dahil pinasakay kami ng sumunod na byahe. Habang nasa byahe ay nawala na ang masama kong naiisip tungkol sa naunang drayber. Masaya kasi ang byahe. Nang malapit na kaming bumaba ay biglang tumigil ang dyip sa tapat ng isang nakatigil sad yip. Nasiraan ito ng gulong kaya naman naantala ang kanyang biyahe. Nagulat ako nang makita ko na iyon pala yung dyip na kinagagalitan ko. Tuwan-tuwa naman ako sa aking nakita. Pagkababa namin, humanga sa akin ang aking mga kaklase dahil sa aking sinabi.
Hindi ko alam kung isa ba akong manghuhula o tsumatsamba lamang talaga ako. Minsan nga natatakot na akong magisip o magbitaw ng salita dahil baka bigla na lamang itong magkatotoo. Mahirap na, baka may masama pa lalong mangyari. Pero gusto kong malaman kung isa ba talaga itong abilidad o talento. Kung isa itong talent, lubos kong ikatutuwa ito at hahasain ko pa ang sarili ko. Kahit pa sabihin nilang hindi ito normal o may sayad ako.
Marahil ay madaming hindi maiintindihan ang mga nangyayari sa akin. Malamang pa nga ay iniisip nila na isa akong masamang tao o kaya naman ay alagad ng demonyo. Taliwas kasi ito sa paniniwala ng higit na nakakalamang na relihiyon dito, ang Katolisismo. Madaming magsasabing isa akong sinungaling pero hindi ko na iintindihin iyon dahil alam ko sa sarili ko na totoo ito. Masaya naman ito. Abnormal? Baliw? O kahit ano pang itawag nila sa akin, tatanggapin ko. Masaya naman ako sa nararanasan ko dahil hindi ito pangkaraniwan. Pili lamang talaga marahil kaming may ganitong kakayahan.
#